Wednesday, December 18, 2019


Image result for pnu graduation

ENTABLADO

Bigla ko na lamang naiisip na nakakapurga rin pala sa sistema ko ang pag-akyat-baba sa entablado. Paano ba naman, mula siguro sa pag-eensayo ng sayaw ay kotang-kota na ang entablado sa akin. Kung minsan pa nga ay inaabot na ako ng gabí para lang igaod ang mga gawain doon. Sige, sabihin na nating nakakapagod, pero kahit papaano ay naging pahinga ko rin sa kapaguran sa ibang aspekto ng aking buhay.

Isa na rin sa buhay ko sa kolehiyo ang entablado. Paano ba naman, sa tuwing may ganap o palihan, makikita ko pa rin siya. Paulit-ulit na lang. Wala na bang bagong lugar maliban sa entablado?

Pero akala ko ang entablado ay iyong pinagpapraktisan lang  namin ng mga pagtatanghal, o 'di kaya naman ay tinutuntungan ng mga ispiker sa tuwing may palihan o mga artista sa konsyerto. Hindi ko rin agad naisip na ang silid-aralan ay nagsisilbi ring entablado sa akin at sa aming nanganganay bilang maging ilaw sa karunungan ng kabataan. Sa entablado ng silid-aralan nabuo ang lahat. Ugnayan sa isa't isa, masaya't malungkot na danas, pagpapakitang-turo at iba pa. Tradisyunal na gawain iyon sa amin hanggang sa hindi namamalayan ay dumating sa puntong aakyat na naman akong muli sa entablado. Hindi para mag-ensayo ng sayaw o pagtatanghal ngunit tatanggap ng isang plakang nagsasabing maaari na akong magturo.

Dumaan ang mga taóng hindi ito nasisilayan. Dumaan ang taóng mami-miss ko rin palang umakyat sa entabladong iyon. Dumaan ang mga taóng kumukuha na ako ng pinakamataas na digri. Hamon ito dahil habang nagtuturo ay nag-aaral pa rin. Ngunit hindi ininda ang oras para rito at dumaan ulit ang ilang taón, nakamit ko na. "Doktorado sa Edukasyong Filipino" ang tangan-tangan ko sa aking larangan. Nakatutuwa mang isipin, sa entabladong ulit iyon ako aakyat upang kunin ang matamis na bunga. Doon ko naramdaman ang halaga ng entablado sa akin. Na dating pinaggagauran lang ng mga gawain, ngayo'y isa ng markadong lugar na kung saan nakuha ko na ang pinakaaasam na gantimpala.

Habambuhay ko itong ituturing bilang kayamanan sa aking sarili. Salamat, entablado. Maraming salamat.



Image result for blind

Liwanag

minsan, laging sinasabing
sana may mata akong maisasaksi
sa mundong mayroong liwanag,
ngunit minsan, isa na lamang itong pampalubag.

sa sobrang liwanag, hindi na kaya ng mata.
nakasisilaw, nakakabulag, nakakalula.
iniisip ko kung paano natitiis ng iba ang silaw nito.
gano'n na lamang ba kadali tingnan ang mga ito?

kaibigan, huwag kang panghinaan.
kung sa paningin ay hindi ka nabiyayaan.
pagkat iyo ring nasasaksihan
ang mundong ating ginagalawan.

saludo ako sa iyo, kaibigan.
kahit ang hatinggabi sa iyo'y walang hanggan.
handang ipaglaban ang karapatan,
sa liwanag na hindi makatarungan at pili lamang sa iilan.

Wednesday, November 27, 2019

'DI LANG DAPAT DINUDURO SA GURO.

Image result for tulfo teacher


"Pinagalita't pinalabas din naman ako ni mamser, a! Nagpa-Tulfo ba ako?"

Siguro lingid naman na sa inyong kaalaman na minsan ay nagiging antukin o palatulog ako sa klase lalo na kapag siesta time. Opo, nang minsa'y nakatulog ako nang biglaan sa klase ay magugulat na lamang akong tinatawag na ang aking pangalan at pagtatawanan ng iba. Kung minsan pa nga ay napapagalitan ako dahil nakatulog ako sa klase nila. Naalala ko rin noong Grade 6 ako ay napalabas kami dahil hindi namin nadala ang aming English Book. Pero ni minsan ay hindi ko inisip na isumbong sa aking mga magulang at magreklamo dahil mali ko naman. Pero kailangan nga bang iparating sa madla't midya ang ginawang pagdidisiplina?

Alam naman nating napakainit na usapin ngayon ang isang episode sa palabas ni Tulfo na kung saan ay dumulog ang lola at ina ng anak ng pinalabas ng isang guro sa kanilang klase. Kung mapapansin natin sa palabas na ito, inilahad ang kanilang mga saloobin tungkol sa pandidisiplina ng guro sa dalaga. Hindi rin naglao'y ipinahiya ni Tulfo ang guro at karagdagan pa rito'y pagpataw sa pagtanggal ng kaniyang lisensya o hindi naman kaya'y kakasuhan ito ng child abuse.

Balik tayo sa aking katanungan. Kailangan nga bang iparating sa madla't midya ang ginawang pagdidisiplina? Kung ako ang tatanungin, hindi na dapat at hindi rin naaangkop. Bakit? Unang-una, may tamang proseso upang mabigyang resolusyon ang bawat problema kagaya na lamang ng sinabi ko. Pangalawa, hindi naging bukas si Tulfo sa panig ng guro at nagpadala sa pahayag ng kabilang panig. Pangatlo, mayroong mga kinauukulan na siyang dapat dulugan sa kung ano ang problemang kinahaharap sa klase.

Oo, bilang magiging guro sa hinaharap, isang sangkap sa mabuting pagtuturo ang displina. Pagtuturo ng disiplina't kahalagahan sa pag-uugali na siyang labas sa usaping mga paksa at gawain. Mahirap kasi sa kultura natin na tayo ay nagiging balat-sibuyas sa tuwing tayo ay nakatatanggap ng mga negatibong pahayag. Bago sumugod, magsimula muna sa ating sarili sa pamamagitan ng pagninilay at tingnan muna natin kung maraming maaapektuhan at maging mali sa pandinig ng iba.

Sunday, November 17, 2019

KALIWA DAM: ISANG PANGANGALIWA


Sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay naaprubahan ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam. Dumaan ang ilang taon ay nabigyang-pansin ito ng administrasyong Duterte. Sinasabing ang dam na ito ay magbibigay ng karagdagang suplay ng tubig sa Metro Manila. Ngunit ang dam na ito ay may kaakibat na panganib sa kalikasan, at mamamayan. Kaya naman, ang tanong ko, isang pangangaliwa ba talaga ang Kaliwa Dam sa kapaligiran at lipunan?

Ang Kaliwa Dam ay matatagpuan sa lalawigan ng Quezon, na kung saan nasasakop ito ng Sierra Madre (mahabang bulubunduking makikita mula Cagayan hanggang Quezon). Kung ating titingnan, sa pagtatayo ng nasabing dam ay tiyak na maaapektuhan ang Sierra Madre na kung saan din naninirahan ang iba't ibang hayop, at pati na rin ang mismong kapaligiran ng bulubunduking ito. Kung sa usapin naman ng mamamayan, ang Dumagat Remontado ay kilala sa matagal nang naninirahan sa tabi ng ilog ng Kaliwa. Ang mga mamamayan na naninirahan malapit sa ilog na ito ay doon na rin kumukuha ng kabuhayan, at nagbabahagi ng kanilang mga tradisyon at kultura. Dahil sa Kaliwa Dam, ang tribo, tirahan, kabuhayan, kultura, at tradisyon ay maaari ding mawala.

Dahil sa modernisasyon at matinding krisis na kinakaharap ng ating bansa, tunay ngang nakalulungkot isipin ang katotohanang "ang mahihirap ay lalong humihirap, at ang mayayaman ay lalong yumayaman." Kung kaya't ang mayayaman ay kumikita sa kanilang mga proyekto ay siya namang ikalulugmok ng mga salat sa ginhawa ng buhay.

Sa madaling sabi, tulad ng isang miserableng pag-ibig, isang pangangaliwa ang Kaliwa Dam. Pangangaliwang hindi lang isang tao ang naghihinagpis at naglulugmok. Pati na rin ang mga hayop, kalikasan, at mamamayan na kulang sa boses, kapangyarihan, at kayamanan.

Tuesday, October 29, 2019

Image result for k-12 school philippines


K-12, may 'K' ka nga bang repasuhin?

Kung natatandaan pa natin, naging matunog ang usapan tungkol sa K-12 noong nakaraang pitong taon. Samo't-saring layunin at oportunidad ang inihain sa ating lahat maging sa kung ano ang mayroon sa kurikulum na ito. "Trabaho, Kolehiyo, Negosyo" ang isa sa mga nilalayon ng K-12 ngunit isang masaklap na pangyayari ngayon ay tinatayang apat na milyong kabataan ay nahihirapang kumuha ng trabaho sapagkat hindi raw sila kwalipikado kahit na ang iba sa kanila ay mayroon ng National Certificate II na natanggap nila habang sila'y nag-aaral ng Senior High School. Nakalulungkot isipin nga naman na may mga ganitong pangyayari, gayo'y maigting na pinatutupad ang layon ng K-12 upang magkaroon ng kaginhawaan sa paghahanap ng trabaho, ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo, at makabuo ng negosyo.

Dahil sa mga suliraning nararanasan ng K-12 Curriculum, pinaplano ng kamara na repasuhin ang programa. Sa aking palagay ay nararapat lamang. Lingid naman sa ating kaalaman na ang ating bansa sa panahon ngayon ay hiráp makakuha ng oportunidad sa pagbuo ng mga produktibong mamamayan at mataas ng estado ng ekonomiya dahil sa mga iba pang umuusbong na mga suliraning panlipunan. Alam isa na rin dito ang K-12 dahil makikita pa lamang pisikal na aspekto, kulang na kulang sa kagamitan. Oo, may mga kagamitang panturo't pantuto (kagaya ng mga modyul) ngunit makikita pa rin na hindi ito sasapat upang makatulong sa epektibong pagtuturo't pagkatuto. Bukod sa mga kagamitan o pasilidad, nararapat din lamang na repasuhin ang mga dokumento na kaugnay ng nasabing kurikulum. Sa pagrerepaso ng mga ito, maaaring magkaroon ng rebisyon sa mga  pamamaraan, layunin, kagamitan (tulad ng gabay pangkurikulum) tungo sa epektibong pagpapatupad nito sa mga institusyong pang-edukasyon.

Bilang guro sa hinaharap, bukod sa suporta na dapat makita sa mga ahensya na may kaugnay sa K-12, dapat magkaroon din ng mga programang kaugnay rito upang makatutulong sa pagpapapaunlad ng estado ng kurikulum para sa maayos at epektibong daloy nito sa bawat paaralan. Siyempre, hindi ito iikot kung walang perang inilalabas. Kung kaya naman ay mariing maging mabusisi at sapat ang ibinibigay na badyet bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga paaralan, lalo na ang mga pampublikong paaralan, mapa-mababa man o mataas ito. Yaman lang din naman ang katagang sinabi ni Mandela na "Education is the most powerful weapon which you can use to change the world." Ngunit paano kung ang edukasyon ay hindi makapangyarihan na pinapairal sa bansang patuloy na nakikihamok sa nakalulugmok na kalagayan? Upang mas umiral ang mabuting kapangyarihan ng edukasyon sa lipunang ating kinagagalawan, ay mas mabuti kung ang lahat ng mamamayan ay nakikiisa sa pag-iral nito dahil lagi't-lagi ay may 'K' sa edukasyon, may 'K' sa K-12.