ENTABLADO
Bigla ko na lamang naiisip na nakakapurga rin pala sa
sistema ko ang pag-akyat-baba sa entablado. Paano ba naman, mula siguro sa
pag-eensayo ng sayaw ay kotang-kota na ang entablado sa akin. Kung minsan pa
nga ay inaabot na ako ng gabí para lang igaod ang mga gawain doon. Sige,
sabihin na nating nakakapagod, pero kahit papaano ay naging pahinga ko rin sa
kapaguran sa ibang aspekto ng aking buhay.
Isa na rin sa buhay ko sa kolehiyo ang entablado. Paano ba
naman, sa tuwing may ganap o palihan, makikita ko pa rin siya. Paulit-ulit na
lang. Wala na bang bagong lugar maliban sa entablado?
Pero akala ko ang entablado ay iyong pinagpapraktisan lang namin ng mga pagtatanghal, o 'di kaya naman ay tinutuntungan ng mga ispiker sa tuwing may
palihan o mga artista sa konsyerto. Hindi ko rin agad naisip na ang silid-aralan ay nagsisilbi
ring entablado sa akin at sa aming nanganganay bilang maging ilaw sa karunungan
ng kabataan. Sa entablado ng silid-aralan nabuo ang lahat. Ugnayan sa isa't
isa, masaya't malungkot na danas, pagpapakitang-turo at iba pa. Tradisyunal na
gawain iyon sa amin hanggang sa hindi namamalayan ay dumating sa puntong aakyat
na naman akong muli sa entablado. Hindi para mag-ensayo ng sayaw o pagtatanghal
ngunit tatanggap ng isang plakang nagsasabing maaari na akong magturo.
Dumaan ang mga taóng hindi ito nasisilayan. Dumaan ang taóng mami-miss ko rin palang umakyat sa entabladong iyon. Dumaan ang mga taóng
kumukuha na ako ng pinakamataas na digri. Hamon ito dahil habang nagtuturo ay
nag-aaral pa rin. Ngunit hindi ininda ang oras para rito at dumaan ulit ang ilang
taón, nakamit ko na. "Doktorado sa Edukasyong Filipino" ang
tangan-tangan ko sa aking larangan. Nakatutuwa mang isipin, sa entabladong ulit
iyon ako aakyat upang kunin ang matamis na bunga. Doon ko naramdaman ang halaga
ng entablado sa akin. Na dating pinaggagauran lang ng mga gawain, ngayo'y isa ng markadong
lugar na kung saan nakuha ko na ang pinakaaasam na gantimpala.
Habambuhay ko itong ituturing bilang kayamanan sa aking sarili. Salamat, entablado. Maraming salamat.
No comments:
Post a Comment