Sunday, November 17, 2019
KALIWA DAM: ISANG PANGANGALIWA
Sa panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay naaprubahan ang pagpapatayo ng Kaliwa Dam. Dumaan ang ilang taon ay nabigyang-pansin ito ng administrasyong Duterte. Sinasabing ang dam na ito ay magbibigay ng karagdagang suplay ng tubig sa Metro Manila. Ngunit ang dam na ito ay may kaakibat na panganib sa kalikasan, at mamamayan. Kaya naman, ang tanong ko, isang pangangaliwa ba talaga ang Kaliwa Dam sa kapaligiran at lipunan?
Ang Kaliwa Dam ay matatagpuan sa lalawigan ng Quezon, na kung saan nasasakop ito ng Sierra Madre (mahabang bulubunduking makikita mula Cagayan hanggang Quezon). Kung ating titingnan, sa pagtatayo ng nasabing dam ay tiyak na maaapektuhan ang Sierra Madre na kung saan din naninirahan ang iba't ibang hayop, at pati na rin ang mismong kapaligiran ng bulubunduking ito. Kung sa usapin naman ng mamamayan, ang Dumagat Remontado ay kilala sa matagal nang naninirahan sa tabi ng ilog ng Kaliwa. Ang mga mamamayan na naninirahan malapit sa ilog na ito ay doon na rin kumukuha ng kabuhayan, at nagbabahagi ng kanilang mga tradisyon at kultura. Dahil sa Kaliwa Dam, ang tribo, tirahan, kabuhayan, kultura, at tradisyon ay maaari ding mawala.
Dahil sa modernisasyon at matinding krisis na kinakaharap ng ating bansa, tunay ngang nakalulungkot isipin ang katotohanang "ang mahihirap ay lalong humihirap, at ang mayayaman ay lalong yumayaman." Kung kaya't ang mayayaman ay kumikita sa kanilang mga proyekto ay siya namang ikalulugmok ng mga salat sa ginhawa ng buhay.
Sa madaling sabi, tulad ng isang miserableng pag-ibig, isang pangangaliwa ang Kaliwa Dam. Pangangaliwang hindi lang isang tao ang naghihinagpis at naglulugmok. Pati na rin ang mga hayop, kalikasan, at mamamayan na kulang sa boses, kapangyarihan, at kayamanan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment