'DI LANG DAPAT DINUDURO SA GURO.
"Pinagalita't pinalabas din naman ako ni mamser, a! Nagpa-Tulfo ba ako?"
Siguro lingid naman na sa inyong kaalaman na minsan ay nagiging antukin o palatulog ako sa klase lalo na kapag siesta time. Opo, nang minsa'y nakatulog ako nang biglaan sa klase ay magugulat na lamang akong tinatawag na ang aking pangalan at pagtatawanan ng iba. Kung minsan pa nga ay napapagalitan ako dahil nakatulog ako sa klase nila. Naalala ko rin noong Grade 6 ako ay napalabas kami dahil hindi namin nadala ang aming English Book. Pero ni minsan ay hindi ko inisip na isumbong sa aking mga magulang at magreklamo dahil mali ko naman. Pero kailangan nga bang iparating sa madla't midya ang ginawang pagdidisiplina?
Alam naman nating napakainit na usapin ngayon ang isang episode sa palabas ni Tulfo na kung saan ay dumulog ang lola at ina ng anak ng pinalabas ng isang guro sa kanilang klase. Kung mapapansin natin sa palabas na ito, inilahad ang kanilang mga saloobin tungkol sa pandidisiplina ng guro sa dalaga. Hindi rin naglao'y ipinahiya ni Tulfo ang guro at karagdagan pa rito'y pagpataw sa pagtanggal ng kaniyang lisensya o hindi naman kaya'y kakasuhan ito ng child abuse.
Balik tayo sa aking katanungan. Kailangan nga bang iparating sa madla't midya ang ginawang pagdidisiplina? Kung ako ang tatanungin, hindi na dapat at hindi rin naaangkop. Bakit? Unang-una, may tamang proseso upang mabigyang resolusyon ang bawat problema kagaya na lamang ng sinabi ko. Pangalawa, hindi naging bukas si Tulfo sa panig ng guro at nagpadala sa pahayag ng kabilang panig. Pangatlo, mayroong mga kinauukulan na siyang dapat dulugan sa kung ano ang problemang kinahaharap sa klase.
Oo, bilang magiging guro sa hinaharap, isang sangkap sa mabuting pagtuturo ang displina. Pagtuturo ng disiplina't kahalagahan sa pag-uugali na siyang labas sa usaping mga paksa at gawain. Mahirap kasi sa kultura natin na tayo ay nagiging balat-sibuyas sa tuwing tayo ay nakatatanggap ng mga negatibong pahayag. Bago sumugod, magsimula muna sa ating sarili sa pamamagitan ng pagninilay at tingnan muna natin kung maraming maaapektuhan at maging mali sa pandinig ng iba.