Tuesday, October 29, 2019

Image result for k-12 school philippines


K-12, may 'K' ka nga bang repasuhin?

Kung natatandaan pa natin, naging matunog ang usapan tungkol sa K-12 noong nakaraang pitong taon. Samo't-saring layunin at oportunidad ang inihain sa ating lahat maging sa kung ano ang mayroon sa kurikulum na ito. "Trabaho, Kolehiyo, Negosyo" ang isa sa mga nilalayon ng K-12 ngunit isang masaklap na pangyayari ngayon ay tinatayang apat na milyong kabataan ay nahihirapang kumuha ng trabaho sapagkat hindi raw sila kwalipikado kahit na ang iba sa kanila ay mayroon ng National Certificate II na natanggap nila habang sila'y nag-aaral ng Senior High School. Nakalulungkot isipin nga naman na may mga ganitong pangyayari, gayo'y maigting na pinatutupad ang layon ng K-12 upang magkaroon ng kaginhawaan sa paghahanap ng trabaho, ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo, at makabuo ng negosyo.

Dahil sa mga suliraning nararanasan ng K-12 Curriculum, pinaplano ng kamara na repasuhin ang programa. Sa aking palagay ay nararapat lamang. Lingid naman sa ating kaalaman na ang ating bansa sa panahon ngayon ay hirรกp makakuha ng oportunidad sa pagbuo ng mga produktibong mamamayan at mataas ng estado ng ekonomiya dahil sa mga iba pang umuusbong na mga suliraning panlipunan. Alam isa na rin dito ang K-12 dahil makikita pa lamang pisikal na aspekto, kulang na kulang sa kagamitan. Oo, may mga kagamitang panturo't pantuto (kagaya ng mga modyul) ngunit makikita pa rin na hindi ito sasapat upang makatulong sa epektibong pagtuturo't pagkatuto. Bukod sa mga kagamitan o pasilidad, nararapat din lamang na repasuhin ang mga dokumento na kaugnay ng nasabing kurikulum. Sa pagrerepaso ng mga ito, maaaring magkaroon ng rebisyon sa mga  pamamaraan, layunin, kagamitan (tulad ng gabay pangkurikulum) tungo sa epektibong pagpapatupad nito sa mga institusyong pang-edukasyon.

Bilang guro sa hinaharap, bukod sa suporta na dapat makita sa mga ahensya na may kaugnay sa K-12, dapat magkaroon din ng mga programang kaugnay rito upang makatutulong sa pagpapapaunlad ng estado ng kurikulum para sa maayos at epektibong daloy nito sa bawat paaralan. Siyempre, hindi ito iikot kung walang perang inilalabas. Kung kaya naman ay mariing maging mabusisi at sapat ang ibinibigay na badyet bilang pagtugon sa pangangailangan ng mga paaralan, lalo na ang mga pampublikong paaralan, mapa-mababa man o mataas ito. Yaman lang din naman ang katagang sinabi ni Mandela na "Education is the most powerful weapon which you can use to change the world." Ngunit paano kung ang edukasyon ay hindi makapangyarihan na pinapairal sa bansang patuloy na nakikihamok sa nakalulugmok na kalagayan? Upang mas umiral ang mabuting kapangyarihan ng edukasyon sa lipunang ating kinagagalawan, ay mas mabuti kung ang lahat ng mamamayan ay nakikiisa sa pag-iral nito dahil lagi't-lagi ay may 'K' sa edukasyon, may 'K' sa K-12.